Marami-marami din palang pelikula ni Stiller ang gusto ko (Mystery Men, Zoolander, Royal Tenenbaums, Tropic Thunder). Pinakagusto ko pa rin ang hirit n'ya sa Cable Guy ("He was Asian, he was Asian!"), na s'ya rin pala ang direktor. Marami na rin pala s'yang nadirek na pelikula.
Sa Netflix, ang tangi n'ya lang pelikula bukod sa trilohiya ng Museum ay The Watch, na noon ko pa gustong panoorin at pinanood naman din namin. Bagaman hindi sobrang nakakatawa, di naman ito simpangit ng inasahan ko, kasi talaga naaalala ko puro lang lait dito ang mga rebyung nabasa ko noon. Mabuting aral: wag makinig sa rebyu (lalo na't binabasa dapat ang mga ito).
Naaalala ko rin si Stiller sa ilang episodes ng Curb Your Enthusiasm, na binurat ni Larry David nang magdesisyon ang huli na ayaw nang gumanap sa The Producers pero walang lakas ng loob na magbitiw. Isa sa mga pinag-awayan nila, ayaw lumipat ni Larry sa tabi ni Stiller sa kotse kasi malapit na naman ang pupuntahan nila, at ayaw ni Stiller na magmukhang driver (bumaba na kasi ang inihatid nilang unang umupo sa passenger seat). Nang papiliin ni Stiller si Mel Brooks kung sino ang tatanggalin sa cast, dahil nga may "masamang" balak, si Larry ang pinili ni Mel Brooks, at pinalitan ni David Schwimmer si Stiller.
Nasa Arrested Development din pala si Stiller. Sobrang lumubog ba s'ya sa tauhang si Tony Wonder na di ko s'ya maisip na Ben Stiller sa papel na iyon? Samantalang si Julia Louis-Dreyfuss, hindi ko makalimutang si Julia Louis-Dreyfuss. Nabanggit na rin ang huli, tuwang-tuwa ako noon nang matuklasang tatay pala ni Stiller si Jerry Stiller, na tatay ni George sa Seinfeld.
Sa telebisyon yata dapat si Stiller e. Kasi higit sa mga pinapelan n'ya sa mga pelikulang nabanggit ko ang mga pinapelan n'ya sa mga palabas na binanggit ko. Isa pang mahusay ay nung gumanap s'yang boyfriend ni Rachel sa Friends. S'ya 'yung mabait kunwari tapos naninigaw ng mga senior citizen. Walang Duplex sa Netflix pero pag nakakita ako't nagustuhan ko, irerebyu ko dito.