Pages

Tuesday, April 14, 2020

Matter

Sa wakas nabasa ko na rin ang huling libro ng Culture series ni Banks. O sige, hindi ko s'ya 100% binasa, kasi ang unang 85% ng libro pinakinggan ko lang ang audiobook version. (Pinapakinggan ko s'ya habang naghuhugas ng boteng pang gatas.) Binasa ko na lang 'yung ebook nung paclimax na, bago magkita sina Ferbin at Dyan Seryi. At, sige, meron pa talagang dalawang libro sa Culture, Inversions at The State of the Art, pero dahil di naman sila mga nobela, papatawarin ko na ang sarili ko.

Kaya, sa wakas, nabasa ko na rin ang huling libro ng Culture series ni Banks. Sa totoo lang di ko naman s'ya balak tapusin, pero may credit ako sa Audible at pakiramdam ko kailangan kong ipambili kundi masasayang ang pera ko. Sinubukan kong basahin ang Matter ilang taon na ang nakalilipas, nang matapos ko ang Surface Detail, na di ko dapat babasahin kundi ako nakabili ng hardcopy. Mabagal kasi ang simula ng Matter, at ng Surface Detail, at kung magiging tapat ako sa sarili, lahat naman ng libro sa Culture. Pero espesyal ang kabagalan ng Matter dahil sa inakala kong magiging setting nito (i.e. hindi sci-fi). Sana inuna ni Banks 'yung tungkol sa shellworld imbes na 'yung eksena kung saan natunghayan ni Ferbin ang pagpatay sa tatay n'ya.

Isa ito sa pinakamahina sa Culture ni Banks. Mas hate ko pa rin ang Use of Weapons, na gustong-gusto naman ng lahat ng tao sa Internet, at mas disappointed pa rin ako sa Excession, pero aaminin kong pag pinag-isipan mo naman itong huli, maaamoy mo kung bakit ito magandang nobela. Medyo-medyo ang Surface Detail sa akin, at triple tie para pinakapaborito ko ang The Player of Games, The Hydrogen Sonata, at Look to Windward, bagaman kung tututukan ng baril, sasabihin kong pinakamahusay ang Games. Ang Consider Phlebas, maganda sana, pero hindi ko nagustuhan ang ending. Iyon naman talaga ang hinihiling ko sa mga nobela. Magandang katapusan. Kasi--Diyos ko--tiniis ko ang kabobohan ni Oramen. Si Oramen talaga ang masasabi kong disappointing, sana nagdagdag na lang ng pahina si Banks sa punto de bista ni tyl Loesp. (Ang nakakatawa, Aramen at Janseri ang isip kong pagbaybay sa mga pangalan ng mga tauhan. Kay Ferbin lang tama ang isip ko. Problema ba ito ng nagtanghal ng audiobook, o ganun lang talaga pagbigkas sa Oramen? Ang wala akong duda, nakakatawa pag nagtatangka si Toby Longworth na magboses babae. Lahat shrill.) 

Puno ng ideya ang mga nobela ni Banks, puno ng magagandang hirit. Zakalwe: Doble na ang singil ko. Diziet: Sige, pero bakit? Zakalwe: Inflation. Diziet: Ano 'yon? (Galing ito sa Weapons, patunay na kahit ang pinakahindi ko gustong nobela ni Banks ay may impact sa akin.) Dito sa Matter, isa sa pinakamahusay na eksena'y ang pagdarasal ni Ferbin, na listahan ng mga gusto n'yang maparusahan. Parodiya ito ng dasal, panay makasarili ang hiling, pero naisip ko, ano nga ba'ng pagkakaiba nito sa ordinaryong dasal ko?

Si Banks pa rin ang paborito kong nobelista ng sci-fi, dahil bagaman mas buo ang bisyon ni Cixin Liu, mas inspirasyonal si Banks sa mga katulad kong gustong makapagsulat ng nobela. Para kasing ang simple e, kahit na alam mong hindi.