Pages

Thursday, April 30, 2020

Itaewon Class

Sa isa sa pinakamelodramatikong eksena sa serye, sa episode 9, sinampal ni Jang Geon-won si Yi-seo sa gitna ng daan, dahil sa pagtatangka nitong bawiin mula sa babae ang recording ng kumpisal nito sa pagcover up sa hit and run na pumatay sa tatay ng bidang si Saeroyi. Kumpyansa si Yi-seo na tutulungan siya ng mga "maginoo mula sa iba't ibang bahagi ng mundo" na bumibisita sa Itaewon, pero tinawanan lang siya ni Jang Geon-won, sabay hagis ng pera sa hangin. Bulaga! Pinagkaguluhan nga ng mga tao ang pera imbes na tulungan si Yi-seo. Sa unang tingin, katawa-tawa itong eksena, pinapalapot ang pagkapinta kay Jang Geon-won bilang karikaturang kontrabida. Pero hindi ba ito ang ginagawa ng mga maginoong mayaman sa ating paligid ngayon, sa panahon ng krisis? Namimigay sila ng pera, at nag-uunahan tayo para magpasalamat sa kanilang kabutihang-loob. Samantala, wala nang nakakapansin na ang estrukturang nagpapayaman sa kanila ang dahilan kung bakit kapos na kapos tayo ngayon sa mga batayang pangangailangan, kung bakit kailangang mangingiyak tayong magmakaawa sa kanila para lang makakuha ng pagkain at medisinang dapat ay sa atin. 


Mahirap manood ng 16 episode ng Itaewon Class nang hindi nagsusubok basahan ito ng pulitika, dahil pulitikal na teksto naman ito. Tila ba may listahan ng isyu ang mga manunulat, transgender rights, mga Koreanong biracial, recidivism (sa anyo ni Kim Hee-hoon), at siniguradong kahit papaano'y mapahapyawan ang mga ito, sa konteksto ng isang k-drama. Ang problema nga lang ay minsan napapasadahan lang ang ilan sa mga isyu, halimbawa nga ang kaso ni Kim Toni na minadali ang resolusyon. 


Sigurado akong maraming detalyeng pang-South Korean na pananaw ang kailangan kaya't di ko nasaktan, halimbawa na lang ang iniisip kong cameo/stunt casting ni Park Bo-gum sa episode 11, o ni Hong Seok-cheon sa buong serye. Bagaman hindi ko maiiwasan ang soft power ng South Korea, hindi pa rin nanunuot ang kultura nito sa kamalayan ko (di tulad ng ibang imperyalistang kapangyarihan dyan). (Sa remake kong gagawin, Maginhawa, ang tangi ko pa lang napagdesisyunan ay kunin si Baron Geisler bilang Jang Geon-won.) 


Bagaman historical horror, madaling makahanap ng parallels sa pagitan ng Kingdom at Itaewon Class. Pareho silang base sa webtoon, pareho naming bininge mag-asawa sa Netflix, at may burgis na panunuligsa sa relasyong pang-uri. Sa palabas sa telebisyon na Lost, sinubukan ng isang minor na kontrabida na ipaliwanag sa bidang si Jack ang kanyang tattoo. "Naglalakad siya kasama natin, pero hindi siya isa sa atin." Sagot ni Jack: "Iyon ang nakasulat, pero hindi iyon ang ibig sabihin." Sino nga ba iyong kasama nating maglakad pero hindi isa sa atin? Sagot: pinuno. 


Sa Itaewon Class, palaging nagmamalasakit si Saeroyi sa mga katrabaho, kaya nga tapat sa kanya ang mga ito. Pero esensyal pa rin para sa kanya ang pagnanasang makapaghiganti kay Chairman Jang. Hanggang sa episode 10, kung saan pinili niyang lumuhod sa harap ng mortal niyang kaaway, para lang maligtas ang mahal niyang si Yi-seo. (Kung wala ang eksenang ito, hindi kapani-paniwala ang pagmamahal ni Saeroyi kay Yi-seo, dahil walang chemistry ang mga aktor na gumaganap sa kanila, Park Seo-joon at Kim Da-mi, samantalang panay ang sparks nina Saeroyi at Soo-ah [Kwon Nara].) Sa Kingdom, pagkatapos ng matagumpay na rebelyon laban sa Haewon Cho clan at paggapi sa mga zombieng nilikha ng nihilistikong Queen Consort Cho (alegorya sa counterrevolution), pinili ni Lee Chang na wag patayin ang sanggol na hindi naman talaga anak ng hari at tanging panganib laban sa kanyang pamumuno, dahil ang sanggol ang makapagdadala ng kaayusan sa kaharian at mabuting buhay sa bayan. Inuna niya ang iba bago ang kanyang sariling ambisyon, bagaman sa simula ay purong ambisyon nga ang prinsipe. Mayroon kayang pinuno sa Pilipinas na uunahin ang bayan bago ang kapangyarihan, na uunahin ang pag-ibig bago ang ambisyon? At kung wala, at hindi kdrama ang genre ng ating bansa kundi historical horror, ano na ang kahihinatnan natin?