Hindi ko man lang nga magawang bigyan ng thumbs up o down ang huling pelikula. Sampung taon ko nang kasama ang prankisa. Ang pagbigay dito ng rating ay parang pagbigay ng rating sa isang kaibigan. "Tapat ka naman, mabaho lang ang hininga mo," "Boring ka pag di ka nanlalait," "Hindi tayo talo."
Ginawan ko ng paper ang Harry Potter bago ko pa ito mabasa. Nagsarbey ako ng mga estudyanteng high school at elem, kung binabasa ba nila ito, kung gusto nila, kung bakit nila nagustuhan.
Goblet of Fire ang una kong nabasa. Nagustuhan ko ito dahil sa misteryo, at dahil sa twist na ang akala pala nilang si Mad-Eye ay si Barty. Pagkatapos ay binasa ko ang Prisoner of Azkaban. Kaarawan ko ko ito binili. Medyo ayos na kaarawan iyon, nanood kami ng Crouching Tiger, Hidden Dragon ng kaibigan kong hindi ko na ngayon alam kung saan nagsuot. Iyong kopya ko ng ikatlong libro ng serye, inaalikabok na. Hindi katulad ni Chuck, hindi ako nagreread ng Harry. Pagkatapos ng Azkaban, Sorcerer's Stone, pagkatapos ay Chamber of Secrets, Order of the Phoenix, Half-Blood Prince at Deathly Hallows. Nagtuturo na ako nang lumabas ang ikalimang libro. Bloomsbury ito, nadoble ang kopya ng order ni Chuck kaya binenta n'ya sa akin. Naalala ko ang araw kung kailangan ko binili ang Half-Blood, kung saan, kung sino ang aking kasama, kung ano ang nangyari bago at pagkatapos ko itong bilhin.
Hindi ko maalala kung sino ang kasama kong manood ng unang pelikula, pero naalala ko kung sino ang sa ikalawa. Hindi ko maalala kung sino ang kasama kong manood ng ikatlong, pero ng ikaapat oo. Naalala ko kung sino ang kasama ko sa panlima, pang-anim, pampito. At syempre, dahil baka hatawin ako ni Consumption Buddy, naaalala ko kung sino ang kasama ko sa pangwalo.
Hindi naman naghahanap ng kritikal na interpretasyon ang Deathly Hollows, bagaman sasabihin ko ritong ang pagwasak ng dragon sa malaking bahagi ng Gringot's ay obyus na pakyu sa kapitalistang globalisasyon. Masarap sigurong balikan ang mga pelikula, tipong isang buong araw ng dire-diretsong panonood, mga dalawa, tatlong taon mula ngayon. Paborito ko pa rin ang ikatlo, mahal ko ang ikapito. Ang mga libro, malamang sa malamang hindi ko sila babalikan. Ito na siguro 'yung pinakamalapit sa rereading na gagawin ko. (Isingit ko lang dito na nabasa ko rin ang mga parodiyang Barry Trotter and the Unauthorized Parody, Unnecessary Sequel at Dead Horse ni Michael Gerber, kung saan binanggit ang Harry Potter and the Chamberpot of Secrets at Order of the Penis, mga pamagat na nais ko sanang gamitin sa sarili kong parodiya. Kaso nga, naunahan ako. Tsaka wala akong enerhiya para gumawa ng parodiya.)
Ano nga lang ba ang mga librong nareread ko? Don't Care High. Tsaka iyong ginawan ko ng salin na hindi ko na babanggitin dito. Nitong nakaraang taon, nakinig ako sa mga audiobook version ng mga Wheel of Time na gusto ko: Great Hunt, Dragon Reborn, Fires of Heaven, Lord of Chaos, pero audiobook na nga, inisikipan ko pa ang mga boring na bahagi (i.e. pagbabaeng hindi si Nynaeve ang POV). Paano nga ba ang tamang rereading? Madalas akong magchapter rereading, pero hindi nang buong libro. Alam ko na naman ang ending e. Ang gusto ko'y 'yung mga sandali sa gitna na excited na excited ako nang una kong binasa, 'yung mga sumasabog ang ulo at nagfafountain ang utak moments. Naalala ko nang sa wakas ay makabili ako ng The Dark Tower. Akala ko babasahin ko sa loob ng isang araw. Nakow, ampangit pala. Isang linggo kong binuno. Umiyak ako sa dulo. Hindi kagandahan ang librong Deathly Hollows. Hindi rin kagandahan ang ikawalong pelikula. Pero naiyak ako sa mga alaala ni Snape na sinisid ni Harry. Doon n'ya nalaman na long con lang pala ni Dumbledore ang lahat, at na si Snape ang tunay na nag-alaga sa kanya, at doon n'ya natuklasan na wala naman talagang Ama, meron lamang mga ama, at sapat na iyon.
Sa 2012, darating na ang A Memory of Light, ang huling libro sa seryeng Wheel of Time. Pagkatapos, A Song of Ice and Fire na lang ang aabangan kong matapos. Salamat sa Diyos walang balak si George R. R. Martin na gawin iyon. Siguro'y mga isang dekada pa bago dumating ang Winds of Winter at A Dream of Spring. "It all ends," sabi ng poster ng Harry Potter and the Deathly Hallows, Part 2. Tapos na nga. Pero iyong seryeng Dark Tower, may tsismis na gustong dugtungan ni King ng pangwalong libro. At siguro sa tsismis na iyon ko na lang isisipit (get it? get it?) ang aking pagnanasa: na may mga bagay na hindi naman natatapos talaga.