Sunday, July 17, 2011

Against Interpretation and other essays

Against_interpretation_and_oth


Sa "Sontag, Bloody Sontag," ikinuwento ni Camille Paglia kung paanong inimbitahan n'yang magsalita sa pinagtuturuan n'yang kolehiyo si Susan Sontag. Late daw itong dumating, mataas ang fee at maikling kwento imbes na sanaysay ang binasa. Napahiya si Paglia kasi s'ya ang nagbida kay Sontag.


Sa kanyang "Metacommentary," inatake ni Jameson ang "Against Interpretation" ni Sontag sa pamamagitan ng pagbasa sa mga elementong utopian sa science fiction, paksa ng "The Imagination of Disaster" na kasama ng "Against" sa librong ito.

Sa totoo lang, hindi na kailangan ng paninipit ni Jameson. Imbes na hermeneutics ay erotics ng sining ang kailangan natin, sabi ni Sontag, pero ano pa ba ang ginagawa n'ya sa mga sanaysay dito kundi nag-iinterpreta? Hindi lang sa "Imagination of Disaster," pati sa rebyu n'ya ng Vivre Sa Vie ni Godard, halimbawa.


Pero nagjajakol na lang ako sa rebyung ito, dahil interpretasyon man o mala-maka-Heidegger na pagbask sa alethea ng Sining, masarap basahin ang mga sanaysay ni Sontag. Pinakainteresante ang pagbasa n'ya sa mga pelikula, pati na rin ang paglalarawan n'ya sa mga Happening at sa camp, at ang pagwasak n'ya kay Ionesco.


Ayon kay Sontag, binabasa natin si Simone Weil, at sila Nietzsche at Kierkegaard, hindi dahil may masasabi sila sa kontemporaryong lipunan, o applicable ang kanilang mga prinsipyo sa sarili nating buhay, kundi dahil kahanga-hanga ang paglalakbay nila sa pag-iisip.


Tinulak nila ang lohika ng isang ideya hanggang sa kung saan ito maaaring dalhin. Iyon naman ang nangyari sa "Against," ang kaso nga lang, syempre, pag sinara ko na ang libro, tapos na ang adventure, tapos na ang paglalakbay, tapos na ang erotics, at kailangan kong bumalik sa routine, sa ordinaryo, sa interpretasyon.