Thursday, June 09, 2011

X-Men: First Class

X_men_first_class


Kung sa X-Men: Last Stand ay pinagtaksilan ni Rogue ang kanyang kapangyarihan para lang mabuhay nang normal, dito sa First Class nagawang tanggapin ni Mystique na hindi n'ya kailangang ipagpalit ang sarili para maging masaya. Tagline man, baduy na tagline man, hindi lang 'to hanggang Facebook status: "Mutant, and proud."


Hindi lang self-esteem booster ang First Class, ito'y kwento rin ng isang pag-ibig na hindi maaaring isiwalat ang pangalan. Instant ang pagkaakit sa pagitan ni Charles at Erik, at ang paghihiwalay nila sa dulo ng pelikula ang isa sa pinakamalungkot na ending ng kwento ng pag-ibig na aking napanood.


Hindi ko naman gaanong nasundan ang mga pelikula, sa mga bus ko lang nga napanood ang unang tatlo. Hindi ko rin napanood ang origins ni Wolverine. Pero sinundan ko noong bata ang cartoons, at nasundan ko kahit papaano ang X-tinction Agenda at Age of Apocalypse story lines sa komiks. Ayon sa io9, 46 na taong gulang na ang prangkisa, at siguro kasama na ang X-men sa bokabularyo ng aking utak. Parang, pag super na nilalang, si Superman. Pag mutant, X-men. Napakaswerte naman ng isang likhang-sining na naging mala-hangin na ang presensya sa ating buhay.


Kung mutant ako tas hindi ko ginagamit sa pagpapayaman/pangongontrol sa sangkatauhan ang aking kapangyarihan, i.e. maangst ako tungkol karapatan at pagmamahal, susundan ko ang plano ni Magneto sa unang pelikula. Gagawin kong mutant lahat ng tao, na sa tingin ko nagawa ni Thanos o ng ibang nilalang sa komiks (pero hindi mutant silang lahat, nagkaroon ng kapangyarihan lang). (Kahawig, malayong kahawig, nito ang premise sa DC Universe Online.)


Habang tumatagal at inaalala ko ito, lalo akong naiinlab sa First Class. Natatawa pa rin ako nang biglaan sa alingawngaw ng mga patawa (paborito ang kay Moira sa huling bahagi ng pelikula), may agam-agam pa rin sa kadayaan ng sansinukob (dalawa ang kapangyarihan ni Emma Frost [galit na galit ang kasama ko sa trabaho sa detalyeng ito, pero iba ang dahilan]!), iniisip ko pa rin si Mystique, na mahal si Charles, pero mas mahal ang sarili, at si Charles, na mahal si Mystique, pero hindi sapat. Pero, sabagay, kelan naman naging sapat ang pagmamahal?