Thursday, June 09, 2011

A Supposedly Fun Thing I'll Never Do Again

A_supposedly_fun_thing_ill_nev

"[E]dge-first and splashless and sad" ang paglalarawan ni David Foster Wallace sa pagkawala sa dagat ng skeet na hindi nabaril. Nagkalat sa mga sanaysay sa librong ito ang mga ganyang uri ng pagdedepamilyarisa, isa pang mahusay na halimbawa ay iyong kwento n'ya tungkol sa pakikipaglaro ng chess sa isang tournament-ang-lebel na bata.



Kongkreto ang katotohanan, may nagsabi, at sa mga detalye ng buhay nakikita ni Wallace ang mga katotohanan nito: nakakatawa, nakakahiya, walang-kabuluhan. Sa "Getting Away from Already Being Prety Much Away from It All," may meditasyon tungkol sa pagkakaiba ng babaeng taga-Midwest sa babaeng taga-East Coast pagdating sa reaskyon sa pamboboso. Sa kanyang sanaysay tungkol kay Michael Joyce, may pagtatanggol sa sports bilang sining-buhay.



Dahil sa "A Supposedly Fun Thing I'll Never Do Again" at sa nabanggit nang "Getting Away" ko mas gusto ang librong ito kaysa sa Consider the Lobster and other essays. Mahusay din nga pala ang "David Lynch Keeps His Head" (paborito ko nang iexpose ni Wallace iyong artistang suck up kay Lynch pag nakaharap pero kupal sa direktor pag wala ito).



Medyo bitin ang "Derivative Sport in Tornado Alley" at "Greatly Exaggerated" (lalo na itong huli), at kulang sa eksaherasyon ang "E Unibus Pluram: Television and U.S. Fiction" (i.e. sinubukan nitong maging patas at naging unexciting tuloy). Iyong tungkol kay Joyce ay maganda sana, kaso may dating na tinatamad si Wallace. O hindi ko lang trip ang tennis, at ako ang tinatamad?



Walang kaso. Okey pa rin naman ang apat na sanaysay na hindi magaling, at ang tatlong sanaysay na magaling, magaling talaga. Lalo na 'yung "Supposedly Fun" at "Getting Away," dapat basahin ng lahat ng gustong magkwento tungkol sa buhay nila. Ilista nang ilista ang mga pangyayari sa pang-araw-araw, tas pag may sapat ka na, yupiin mo lahat ng boring. Ang matitira'y mga tala ng kalungkutan.