May s talaga sa pamagat, parang tangek. Pero patatawarin ko na, tutal naman marami akong utang sa librong ito, na 2002 ko pa nakita sa Glorietta pero hindi ko binili. Binasa ko lang ang rebyu ni Borges sa Finnegans Wake, at natawa sa komento n'yang mas successful pa sa kauring proyekto si Lewis Caroll. Sa kabuuan, magugustuhan ng mambabasa itong libro dahil sa mga rebyu.
Mga pelikula ang marami sa nirebyu ni Borges, at nakakatawa ang lumalabas pag adaptasyon mula sa nobela ang gawang kanyang tinatalakay. Pag hindi n'ya nabasa ang pinagbasehan, kadalasan ay pinupuri n'ya ito, at meron s'yang mantra tungkol sa pagiging swerte na hindi n'ya alam ang orihinal. Pero pag 'yung kabaliktaran ang kaso, kadalasan ay bumabagsak s'ya sa kasalanan ng mga dapat ay nagbabasa na lang ng libro: dinadaot n'ya ang pelikula dahil sa pagiging "unfaithful" nito. (Nakakatawa rin pag libro ang nirerebyu ni Borges, pagkatapos ay hindi naman iyong librong nirerebyu ang kanyang tinatalakay, kundi ang paksa ng libro, at lumalabas na mas maalam pa s'ya tungkol sa paksa kaysa dun sa nagsulat ng librong kanyang hindi pinapansin.)
Kung nagmumukhang hindi ko nagustuhan ang Selected Non-Fictions, talagang mapanlinlang ang panlabas na anyo. Sa totoo'y dahil napakasarap basahin si Borges, madalas ay binaviolate ko ang aking alituntuning isang sanaysay lang ang babasahin bawat gabi.
Nasa koleksyong ito ang "The Argentine Writer and Tradition." Dati'y pinabasa ko ito sa isang klase, kinumpara namin sa isang sanaysay na salungat ang pananaw. Sa dulo'y naging kompromiso ang solusyon, may tama ang sanaysay na iyon, may tama si Borges. Tunay ngang kalaban ng sining ang mga maligamgam. Para maging mahusay na manunulat, kailangang bulag ka sa ilang bagay, at bukas na bukas ang mga mata naman pagdating sa iba. Sa Selected Non-Fictions makikita ang marami sa masining na pagkabulag ni Jorge Luis Borges.