Dapat ay susulat ako ng sanaysay na "Why the Mother Matters," pero hindi ako makahugot ng enerhiya. Halos mamatay kasi ang pagmamahal ko para sa How I Met noong season 5, at bagaman mas ayos ang season 6, mas nagmumukhang wala na lang talaga akong matagpuang matinding emosyon para sa palabas na ito, pagmamahal man o pagkamuhi. Ang maganda na lang minsan sa kanya ay ang theme song.
Naalala ko pa ang season 1, kung saan dahil ayaw pang masakal ni Lily sa habambuhay kasama si Marshall, tumakas s'ya para maging pintor. (Pinatay iyon sa season 4 o 5, kung saan mga hayop na lang ang kakagusto sa kanyang gawa.) Noon, gusto pa ni Marshall maging abogado para sa kalikasan. Sa season 6 bumalik ang kanyang pangarap para rito, ang kaso binuntis naman n'ya si Lily (i.e. gumawa s'ya ng masamang bagay). Dati'y indipendyenteng babae si Robin, ngayon pasulyap-sulyap na lang s'ya kay Barney. Dati'y indipendyenteng lalake si Barney, ngayon desperado s'ya para sa pamilya. Kung gusto ko ng warm fuzzy feelings, nag-alaga na lang sana ako ng aso.
At nariyan si Ted, na manloloko. Dapat talaga'y si Stella na lang ang naging mother, dahil iyon ang huling babaeng hinabol n'ya na malungkot na hindi n'ya nakatuluyan. Si Zoey sa season na ito, wala naman yatang nag-ilusyon na s'ya na nga. Para tuloy akong iyong nasaktan ang puso at hindi na magawang magtiwala. Ngayon kahit sinong babae ang iparada sa akin ni Ted, ang alam ko lang iiwan din n'ya ako, kaya hindi ko na s'ya gustong kilalanin pa.
Gusto ko sanang sabihing hindi na ako manonood ng season 7, pero. Sa isa sa kaunting ayos na episode ng ubod ng pangit na season 5, "The Wedding Bride," inilahad ang mga bagahe ni Ted, ng kanyang mga kaibigan, ng kanyang mga nakakadate. Isa rito ang "not over her ex." Parang ganun ang bagahe ko. Hindi ko na mahal ang How I Met, at hindi ko ito kinamumuhian. Pero hindi pa ako over dito. Hindi ngayong kakatapos lang ng season 6. Matagal ko pa itong iisipin, matagal pa ang aking pangungulila. Kahit nga siguro matapos na ang serye sa season 8 or sa 9 o kung ano man. May mga pag-ibig na hindi nakakalimiutan.