Sunday, June 26, 2011

5 Centimeters Per Second

5_centimeters_per_second

Ang pelikulang ito ay nahahati sa tatlong bahagi. Nakakaiyak ang "Cherry Blossom" at "Cosmonaut." Ang "5 Centimeters Per Second" ay hindi nakakatuwa. Sayang at ito pa naman ang huling bahagi ng anime, na s'yang dapat magtatali sa motif ng pagkawala. Imbes, sa kanta na lang dinaan.


Naalala ko rito 'yung Kaboom, kung saan bigla na lang sumabog ang mundo sa ending, imbes na ikwento nang matino at subukang bigyan ng kakumpletuhan ang dating. Bagaman hindi lokohan sa lebel ng "kaya ganito na lang bigla na lang mawawala" ang "5 Centimeters Per Second," nabuburat pa rin ako na sinira nito ang aking expectations.

At hindi ko sasabihing sinadya iyon ng pelikula, na ang tema nga naman ay ang pagiging hindi kumpleto at pagkasira ng mga inaasahan. Punyeta, kung ako lang ang direktor (na, oo na, oo na, hindi), tatagpasin ko talaga ang kanta sa ikatlong kabanata at tatapusin sa pagkikita nila sa may tren. Kung ito ang susundin, magegets pa rin ng manonood na: nagmahalan sila Akari (anak ni Shinji ng Neon Genesis Evangelion) at Takaki noong bata pa sila, kaso kinailangan nilang magkahiwalay. Bagaman nangulila, nakahanap ng pag-ibig si Akari, samantalang si Takaki ay hindi.


Kaya ba hindi nakakaranas ng tunay na kabutasan ang mga babae ay dahil wala silang titi? O, dahil wala silang titi ang buong pag-iral nila ay kabutasan? Hindi naman pagmamalabis ang pagpasok ng teorya rito. Motif ng pelikula ang pagsusulatan, at alam naman nating lahat, laging dumarating ang liham kung saan ito patungo.


Hindi ba tunay ang pag-ibig ni Akari kasi nakahanap s'ya ng kapalit? O si Takaki ang pumepeke kasi hindi na pagmamahal ang obsesyon? Ang lalake kasi ang bida ng pelikula, kaya nagmumukhang s'ya ang mas dakila. Pero ang pangungulila, hindi totoo kung hindi tumitigil. Wala ring ontolohikal na prayoridad ang pagkakaiba. O, sa madaling salita, para may nawawala, dapat may naroon. O, sa mas madaling salita, bagaman dapat nating ipagdiwang ang lungkot at ipagmalaki ang kahungkagan ng ating pag-iral, dapat din tayong maging masaya.