Wednesday, May 04, 2011

Thor

Thor
Ang Gnomeo and Juliet, Romeo and Juliet. Ang Beastly, Beauty and the Beast. Ang Thor ay, ayon sa kasama kong nanood, Lion King. Dahil ba hindi s'ya love story kaya s'ya lang sa tatlong huling pelikulang napanood ko ang gagagawan ko ng rebyu?

Ito ang plot ng pelikula: binagsak ni Odin, hari ng Asgard, si Thor, kanyang anak, sa Earth, kasi imbes na maging mahusay na lider ay kupal si Thor, at pasaway. Ang kapatid ni Thor na si Loki, may masamang balak kay Thor, sa mga nilalang na ang tawag ay Frost Giant at sa buong syam na realm. Sa Earth, dahil sa pag-ibig n'ya kay Jane (ginampanan ni Natalie Portman), natuto si Thor na di lang sarili ang iniisip, kaya n'ya nagawang iligtas ang mga Frost Giant.
Bagaman, o dahil sa, manipis ang banghay, mabilis ang pelikula. Talon sila sa mundo ng mga Frost Giant, talon sila pabalik ng Asgard, bagsak si Thor sa Earth, punta s'ya rito, punta s'ya roon. Sa huli, bumalik s'ya ng Asgard. Sa gitna ng mga talunang ito, maraming sapakan, batuhan ng energy, at dalawang halik sa kamay. Pwedeng iproblematisa, syempre, ano ba ang hindi pwedeng gawing komplikado? Pero mas gusto ko na iyong simpleng ginagawang masalimuot kaysa masalimuot na ginagawang simple.

Kaunting Thor lang ang nabasa kong komiks noong ako'y bata pa (Spiderman at X-Men talaga ang pinuntirya ng aking pag-ibig). Sa isang isyung nabasa ko, nasira ang buhay ng dapat ay alter ego ni Thor dahil hindi pala s'ya si Thor. Akala lang ni Thor naging mortal s'ya, pero sa totoo nasa suspended animation pala ang tunay na ego ng kanyang alter ego. "I've probably been declared legally dead," sabi nito. Salungat sa pelikula, hindi benevolent si Odin sa komiks.

Kontekstwal na komento. Sa sinehan kung saan kami nanood, inagaw ng isang mag-ina ang upuan ng isang mag-asawa. Kung ako si Thor, minartilyo ko na sila.