Wednesday, May 18, 2011

Stargate Universe, Season 2

Stargate_universe_season_2

Ito ang premise ng SGU: nastuck ang isang grupo ng tao sa isang spaceship, hindi sila makabalik sa daigdig. May ilan akong nababasang comments sa review sites na nagsasabing pagtataksil ito sa espiritu ng Stargate. Sa totoo lang pareho lang naman ang SGU at Stargate Atlantis, kaya nga lang ang huli panay pa rin ang gamit ng stargate.



May ilan din akong nabasang nagsasabing nagpilit daw kasing maging Battlestar Galactica ang SGU. Taksil man sa espiritu ng franchise, masyado mang eager maging deep, para sa akin lovable pa rin ang SGU, at malungkot akong cancelled na ito. Wala kasing arc ang punyeta, ayun tuloy walang nanood.



Marami pa s'yang ibang pagkakamali. Una rito'y ang pagsabi na walang alien na nag-iingles ang ilalabas, pero malaking bahagi ng palabas ang Lucian Alliance (na mga taong taga-ibang planeta na, among other things, ay nagsasalita ng Ingles). Pangalawa'y ang pagpapatalino kay Chloe sa pamamagitan ng teknolohiya ng mga alien. At pangatlo'y ang pagpasok sa mga drone bilang kalaban sa huling apat na episode.


Hindi naman kasi experimental na texto ang SGU, kaya dapat kahit papaano'y sundin nito ang mga batas ng tradisyonal na pagkukwento. Ibig sabihin nito'y kailangang may motibasyon ang iyong mga tauhan, kahit ang mga kontrabida. Paano mo mamahaling kamuhian ang mga maliit na spaceship na kaya pinapatay ang mga bida'y dahil ito ang program nila?


Si Young ang bida ng palabas na ito, ngayon ko lang naisip ang ganda ng pangalan n'ya kasi s'ya ang matanda. Ang interesante ay ang love triangle ay kina Young-TJ-Varro, ang interesante ay ang agawan sa kapangyarihan nila Young at Rush, ang interesante ay ang mga sakripisyo at duda ni Young sa kanyang misyong maibalik sa daigdig ang grupo ng mga taong stuck sa spaceship. Iba s'ya kay Jack O'Neill ng Stargate SG-1: wala s'yang sense of humor, mukha s'yang laging pagod, pumapatay s'ya ng sariling tauhan. Pero pareho silang pinuno: nag-aalaga, inuuna ang tungkulin kaysa pag-ibig, marunong sumuko. O sige, malayo sila sa isa't isa, pero cancelled na nga 'yung gusto kong palabas, pagbigyan mo na.