Itong Parks and Recreation, tulad ng Community at It's Always Sunny in Philadelphia, ay may espesyal na halaga sa akin. Tinulungan n'ya ako sa isang madilim na bahagi ng aking buhay, at kahit siguro maging kasing unfunny na s'ya ng The Office, o kahit ng Shit! My Dad Says at Hot in Cleveland, ay, tulad ng The Office, na may iba namang uri ng significance sa akin, ay papanoorin ko pa rin s'ya.
Para sa mga sanay sa walang saysay na pamagat, ang Parks and Recreation ay tungkol sa mga empleyado ng parks and recreation department ng gobyerno ng Pawnee, Indiana. Ang bida nito ay si Leslie Knope, na second in command pero s'yang namamahala at enthusiastic sa mga proyekto ng gobyerno.
Ang ibang mga tauhan ay sina: Ron, boss ni Leslie na libertarian; April, dating nag-oojt at departamento at ngayo'y sekretarya na ni Ron; Ann, nurse na bestfriend ni Leslie (ginagampanan ng maladiyosang si Rashida Jones); sa dulo ng ikalawang season pumasok ang kyut na si Ben (ginampanan ni Adam Scott ng perpektong Party Down) at ang kyut na kyut na si Chris (ginampanan ng perpektong si Rob Lowe).
Maraming sorpresa ang season na ito. Una, hindi s'ya Setyembre kundi Enero bumalik. Pangalawa, imbes na 22 o 24 ay 16 lang ang kanyang episodes. Pangatlo, ikinasal si April kay Andy (na dating syota ni Ann). Pang-apat, hindi masyadong naging kadiri ang palabas pagkatapos ikasal ni April at Andy (tingnan na lang ang The Office kung saan pumangit ang lahat nang ikasal si Jim at Pam).
Ang Parks and Recreation ang anti-The Office, anti-Party Down. Samantalang ang dalawang huling palabas ay tungkol sa pag-extract ng saya mula sa isang nakakasakal na trabaho, dala ng enthusiasm at sincerity ni Leslie ay nagmumukhang tama at mabuti ang pagbabanat ng buto. Ang parke kasi'y (dapat) libreng lugar kung saan maaaring magpahinga at--iyon nga--likhain ng isang tao ang kanyang sarili. Assimilated kasi sila Pam at Jim sa The Office, meron pa ring pranks pero nakatali na sila sa mismong sistemang pumapatay sa kanila. Samantalang si Leslie, lumalaban pa s'ya para sa karapatan ng tao na magkaroon ng pampublikong espasyo para sa mga komunal na gawain para sa komunidad. (Pero syempre mabibigo s'ya, at mamamatay tayong lahat nang malungkot.)