Natanong sa akin ni Consumption Buddy isang beses, kung di ko rin naman naeenjoy magsulat ng rebyu, bakit pa ako nagsusulat ng rebyu? Hindi ko na maalala ang sagot ko sa kanya, kaya ngayon naisipan kong pag-isipan kung ano talaga ang napapaala ko sa pagsusulat sa blog na ito.
Siguro kasi, ang pagsusulat ng rebyu ay tulad din ng panonood ng palabas sa tv na pangit. May sense of accomplishment pag natapos mo ito. "Tiniis ko 'yan, titi ng ama. Amboring, pero kinain ko ang buong season, 24 episodes!" Pero meron talagang palabas na ubod ng pangit at kahihiyan imbes na pakiramdam ng katatagan ang mararamdaman mo pagkatapos mong tapusin.
Sinimulan kong sundan ang Camelot kasi sa gitna pa ng Abril dumating ang Game of Thrones. Keri na rin naman, kaya lang hindi nitong huling linggo, imbes na panoorin ang ika-6 at ika-7 episode nang magkasunod, tumalon lang ako sa ika-7. At ngayon available na ang ika-8 episode, pero hindi ko na kukunin.
Dumating na nga kasi ang Game of Thrones. At isa pa, ampangit ng fight scenes ng Camelot. Minsan hindi rin maganda ang sa Game, pero at least doon may pakialam ako kung sino ang mabubuhay at mamamatay. Ang Camelot ang patunay na kahit may nakahubad at may espadahan ay meron mga palabas na hindi dapat pagsayangan ng panahon.
Siguro kasi, may saya sa pagsusulat ng rebyu, lalo na't winawasak mo ang isang pangit na palabas. Mas madalas kong nararamdaman ang kaligayahang ito sa pagsusulat ng maikling kwento, pag may natitira akong ideolohiya o grupo (read: relihiyon). Pero paminsan-minsan nararamdaman ko ito sa pagsasanaysay, halimbawa nang kwestyunin ko ang kabutihan ng bida sa Source Code. Hindi nga ba't marka ng pagiging tao ang pagiging malupit para sa wala?
Pero minsan may pelikulang kalupitan sa sarili ang pagpapatuloy pang isipin ito, kahit na para wasakin lang. Gusto ko sanang gawan ng rebyu ang Priest, pero wala namang magandang dahilan para gawin iyon. Pangit ang pelikula, mula banghay hanggang dayalog hanggang effects. Tsaka may eksena na 'yung cowboy kumukumpas-kumpas habang sumasabog ang kanyang paligid tas dapat profound kaso tae. Para itong si Raven sa Snow Crash, pag pinatay mo ikaw ang mamamatay.
Siguro kasi, kahit na hindi masarap ang pagsusulat ng rebyu, obligasyon ko pa ring purihin ang mga palabas at pelikula na nagustuhan ko, na napatawa ako. Gusto kong alalahanin iyong mga eksena kung saan ako namangha, natuwa, naiyak, natakot, naalalang may mundo pala sa labas ng telebisyon.
Ang kaso, kahit mahal ko pa rin sila, hindi ko na magawan ng rebyu ang ika-7 season ng The Office at ika-5 season ng 30 Rock. Ano pa kasi ang pwede kong sabihin na hindi ko pa sinasabi? Cute si Lemon, gusto ko sila ni Jack. Tuwang-tuwa ako nabawi ni Michael si Holly. O sige, o sige, mahina na rin kasi sila, hindi na season 1 to 3 ng The Office, at kahit kailan naman hindi naging malakas ang 30 Rock.
Pero paano itong Paprika? Maganda ang pelikula. Natakot ako sa manika, naprofoundan ako sa mga panaginip, naiingit ako dun sa pulis na naisaaktwal ang pantasya n'ya noong kolehiyo. Dito naman, pwede kong excuse na masyadong maganda ang texto, at na ang sumulat ng rebyu nito nang pilit ay paglapastangan sa divinidad nito.
Iyon na nga, ligaya sa pagtatapos, ligaya sa pagsira, ligaya sa pagsamba. At isa pa, ligaya sa pagkabigo. Ligaya sa hindi pagkamamit ng ligaya. "[S]orrow is pleasure [if] you want it instead," sabi nga ng paborito kong banda (next to Bon Jovi). Hindi lang naman ito sa pagsusulat ng rebyu e, at hindi lang sa pagsusulat in gneral, kundi sa buhay. Walang kwenta ang buhay. Walang kwenta ang mag-expect na may kwenta ang buhay. May kwenta na walang kwenta ang buhay.