Thursday, May 26, 2011

Fringe, Season 3

Fringe_season_3


Ito ang season ng Fringe na pinakamarami akong pinriserve na avis. Madalas kasi, pagkapanood, dinedelete ko lang sila imbes na ilagay sa external. Naging exciting na kasi ang palabas, mahusay na ang sayaw ng arc sa mga monster of the week.


Para sa mga hindi nakakapanood, ito ang spoilery premise ng palabas: May gera sa pagitan ng dalawang sansinukob. Ang mga bida, si Olivia, isang FBI agent; si Walter, isang mad scientist; at si Peter, anak ni Walter na kinidnap n'ya mula sa kabilang sansinukob, hiram lang dapat, gusto lang sanang sagipin ang Peter na ito mula sa sakit na pumatay sa kanyang Peter. Kaso, tulad ng lahat ng taong hinihiram, hindi na s'ya nabalik.

Nakasentro ang season 3 sa pagbalik ni Olivia mula sa kabilang sansinukob, ang pag-Mata Hari ni Faulivia (i.e. ang Oliviang kontrabida) kay Peter, at ang paggamit ni Walternate (i.e. ang Walter na kontrabida) sa "doomsday device" para wasakin ang sansinukob at pigilan ang pagdami ng fringe event (i.e. monster of the week) sa kanilang sansinukob.


Maraming magandang kaso sa season na ito. Halimbawa si Milo, sa episode na "The Plateau," na kayang ikalkula ang sequence ng mga sanhi-dulot at sa ganitong paraan nakakapatay ng tao sa pamamagitan ng paghulog ng bolpen sa kalsada. Sa "6955 kHz," pinasok ang trope ng "number stations" sa arc tungkol sa doomsday device. At sa "Stowaway" at "Lysergic Acid Diethylamide," sinaniban ng patay na si Walter Bell (ginampanan ni Leonard Nimoy) ang katawan ni Olivia.


Dahil sa eschaton, pwede na ulit akong gumawa ng bagong mitolohiya. Inspirasyon ang Fringe dahil napapasok nito ang mga sci-fi tropes sa kanyang arc. Pero higit sa pagbida telepathy at paglalakbay sa panahon at iba pang imposibleng pangyayari, ang bida talaga ng Fringe ay ang kanyang mga tauhan. Nasaktan ako nang masaktan si Olivia dahil hindi alam ni Peter, na dapat ay mahal s'ya, na hindi s'ya si Fauxlivia. Nalungkot ako nang patayin nila ang Alternate Universe Broyles. At natawa ako ng isedak ni Bellivia si Astrid.


Merong mga palabas na mahal mo agad. Merong mga palabas na medyo okey, at dahil wala ka namang ibang mapanood, papanoorin mo na rin. At papasok s'ya sa utak mo, at sa ilalim ng balat mo, at sa puso mo. At gigising ka na lang isang umaga, at matatanto: hindi mo pala kayang mabuhay sa isang sansinukob na wala ang palabas na ito.