Paano nga kaya nabubuhay ang mga masama? Sa Archer, ang mga bida ay mandaraya, manloloko, makasarili. Ang husay nila ay sa pananakit at manipulasyon, tapat sa kanila ang ibang mga tauhan dahil mayaman sila (at dahil sadyang bobo lang ang ibang tauhan). Hindi ba't ito ang relasyon natin sa Diyos? Binubuhusan tayo ng sinigang sa ulo, nilulunod sa baha, tinatanggal ang lupa sa ilalim ng ating mga paa. At wala tayong ibang gagawin kundi sumamba. At magpantasya tungkol sa kanilang kahinaan. Sa Archer, ang kahinaang binibigyang-diin ay kabobohan. Ang bidang si Archer sa season na ito ay natalo sa pagsusugal, samantalang ang kanyang ina (na kapantay n'ya sa pagiging makasarili) ay naloko sa isang Ponzi scheme. Ang kabobohan na ito ay iniuugnay din sa "katangahan" tungkol sa moralidad. Natatawa tayo tungkol sa politically incorrect na homophobia ni Archer, pagiging date/serial rapist ni Krieger at "sex addiction" ni Cyril dahil alam natin ang hindi nila alam, na sila ay walang hiya. Sa Doctor Who, isa sa mga paliwanag kung bakit laging ipinagtatanggol ng makapangyarihang Time Lord ang daigdig at mga tao ay dahil kamukha ng mga tao ang mga Time Lord. Iyon siguro ang dahilan kung bakit hindi na lang tayo nagpapakamatay. Dahil paminsan-minsan, binibigyan tayo ng buto ng ating mga amo. At siguro kaya tayo binibigyan ng buto ay dahil malungkot ang mga diyos. Iyon nga siguro ang paghihirap ng mga masama. Naawa sila sa atin, nakikita nilang mas may pagkakapareho tayo kaysa pagkakaiba. At gusto nila tayong mahalin, pero hindi nila magawa. Lalapit sila, kakamutin ang likod ng ating mga tenga, hihimasin ang ating tyan, pero sa dulo sisipain nila tayo palayo. At sa pagsipa sa atin sinisipa rin nila ang kanilang sarili, dahil kahit gusto nila hindi nila magawang magmahal. Sa season na ito, si Lana, isa sa mga mabuting masama, ay ipinakitang nagtaksil sa kanyang aktibistang simula. Nagkalayo ang puso nila ng kanyang gustong teacher assistant dahil ang estudyante ay naging espisya. At si Archer, nang makahanap ng tunay na pag-ibig at nagdesisyong magpakasal, namatayan.
Gusto kong maging masama, pero hindi ko magawa. Siguro kasi, tao ako. O, na kapareho lang naman, aso. Kaya rin siguro patuloy akong manonood ng mga palabas tulad ng Archer, Family Guy, kunwari, o It's Always Sunny in Philadelphia: gusto kong makatikim sa pamamagitan ng identipikasyon kung paano maging walang pakialam sa damdamin ng iba, sa pagturing sa mga tao bilang bagay... ang nais ko'y iyong mga sandaling hindi na ako naaawa sa aking sarili.