Ang librong ito ay sourcebook para sa Mage: the Ascension role playing game. Ang mga mage sa Mage, nagagamit ang kanilang will para ibahin ang realidad. May iba't ibang tradisyon na iba-iba ang istilo, merong monk, merong hacker, merong mala-Harry Potter. Kalaban nila ang Technocracy, na mage din, pero iisa lang ang perspektibo, ang agham. Mayroong syam na tradisyon ng mahika, at meron namang limang Convention ang Technocracy. Ang Syndicate ang Convention na namamahala sa ideya-realidad ng pera.
Sa librong ito matatagpuan ang kasaysayan ng Syndicate (ang binhi'y itinanim sa Greece at Rome), ang mga internal faction (Disbursements, Financiers, Media Control, Enforcers, InSpectors, tsaka Special Projects Division), ang kanilang pilosopiya at bersyon ng Ascension (ang goal nila ay lipunan ng credit, cashless society), ang kanilang mga taktika laban sa mga tradisyon ng mahika. Meron ding detalyadong paglalarawan ng isang mega-casino sa Canada, na nagsisilbing "in action" version ng mga detalyeng ibinigay sa mga naunang kabanata.
Maganda sana ang ideya ng Syndicate. Sa listahan sa likod ng libro na maaari daw panoorin para magkaroon ng inspirasyon, nakalista ang Pulp Fiction at iba pang gangster films. Ito 'yung Enforcers na faction. Ang kaso, mas binigyang empasis sa libro iyong mastermind na uri ng faction. Iyon naman talaga ang espiritu ng Mage, ang kapangyarihan mula sa mga anino. Umasa lang kasi ako na mas maraming barilan.
Ang isa pang nakakainis, ang tindi ng presensya ng Pentex (mula sa kapatid na role playing game ng Mage, ang Werewolf [tandaan lamang na 90s lumabas ang mga larong ito]). Mayroon pang isyu na nabubulagan daw ang mga mahikero-siyentista ng Technocracy ng mistikal na korupsyon ng Pentex. Ang imahen ko kasi sa Technocracy ang dambuhala, pero hindi masama. Makapangyarihan pero hindi demonyo. Pagkatapos, lalagyan nila ng demonyo. O sige, bukas naman ang kalikasan ng table top role playing games, i.e. kung di mo trip ang nasa sourcebook, wag mong gamitin, pero nakakaasar pa rin na naglagay ng ganitong elemento imbes na magbigay ng mas mahabang paglalarawan sa barilan.
Ang pinakamahusay na bahagi ng Syndicate ay ang quotes mula sa ads sa Estados Unidos. Halimbawa, mula sa First Union Bank: "$ = This is Reality. Ask us about Reality." At ito naman mula sa isang car dealership sa Virginia: "Because inconvenience is un-American." Sayang nga lang at hindi nahuli ng libro ang katotohanan at kapangyarihan ng pera.