Angst-fest daw ang mga role playing game ng White Wolf. Nilalabanan ng mga bampira sa Vampire: the Masquerade ang halimaw sa loob, na laging nanalo. Ang mga diwata sa Changling, ang katunggali ang pagkabagot. Ang mga multo sa Wraith: the Oblivion, ang kanilang nakaraan, ang kanilang mga alaala, at ang kanila mismong sarili. At dito sa Mage, ipinagtatanggol ng mga salamangkero ang mahika laban sa realidad ng Technocracy.
Iyon nga raw ang pagkakaiba ng mga laro ng White Wolf, puro patayan at ginto lang ang sa ibang publisher. Sa White Wolf, iyon talagang tunay na mahalaga ang pinag-aagawan. Ang r at hindi ang g ang merong empasis sa kanilang rpg.
Itong Tales of Magick: Dark Adventures ay para sa mga manlalarong gusto ng angst pero ayaw bitiwan ang patayan. Ang inspirasyon dito'y mga pelikula ni Jackie Chan, Pulp Fiction at ang unang dalawang Terminator. Pero hindi naman ako nagbabasa ng mga sourcebook na ito para maglaro. Ang turing ko sa kanila'y parang Lost Encyclopedia, dskursibong bersyon ng mga naratibong nagustuhan ko.
Ang pinakamagandang kabanata ay iyong ikalawa. Meron itong mga character archetypes (pulis, call girl) na maaaring gamitin hindi lang sa paglalaro kundi sa paglikha ng kwento. Ito rin ang kabanata na mayroong tips sa pagkukwento: anong gagawin para hindi repetitive, paano pag-iisahin ang hiwa-hiwalay na pagnanasa ng mga player characters. Mahusay din para sa akin iyong ikatlong kabanata, na mayroong detalye tungkol sa limang importanteng pangyayaring naganap sa opisyal na mundo ng Mage. Wala na kasing Ascension ngayon, pinalitan na ng Mage: the Awakening kasi nawasak na ng judgment day ang mundo ng 90s Mage, iba na ang kwento ng Awakening, hindi sila iisang sansinukob. Nakakatawang ang larong tungkol sa pagtatakda kung anong realidad ang mananatili ay nabura na mula sa realidad na ito.