Monday, April 04, 2011

Dark City

Dark_city

Ang pelikulang ito ay tungkol kay Murdock, isang lalakeng gumising isang gabi na walang alaala at may kasamang patay na babae sa kwarto. Iniimbestigahan s'ya ng mga pulis, tinatawagan ng mukhang di-katiwa-tiwalang doktor (ginampanan ni Kiefer Sutherland ng 24), at ng apat na misteryosong lalakeng nakasuot ng trenchcoat. "Strangers" daw ang tawag sa mga lalake, pero tatawagin ko silang "alien." At "Dark City" ang pamagat ng pelikula dahil, isa sa mga dahilan anyway, laging gabi rito.


Ang twist: wala pala talagang alaala ang lahat ng nasa ciudad. Ang ciudad mismo ay nilikha lang ng mga misteryosong lalake, na nakatira sa ilalim ng lupa. Binabago ng mga alien na ito ang mukha ng ciudad gabi-gabi, at ang mga alaala ng mga tao (na kanilang inabduct) ay pinaghahalo-halo nila para matuklasan ang ibig sabihin ng indibiwalismo (sila kasi mismo'y kolektibo ang pag-iisip). Si Murdock, sa tulong ng doktor, ay nag-evolve para matapatan ang kapangyarihan ng mga alien, at sa huli tinalo n'ya ang mga ito at naging diyos ng ciudad, na sa wakas ay nasikatan na rin ng araw.

Sa parehong taon lumabas ang Dark City at The Matrix, pero siguro mas malaki ang budget ng huli, corny ang sfx ng una. Naging campy tuloy ang dating, idadagdag pa rito ang malakulilig na ritwal ng mga alien at kitschy happy ending sa dulo, kung saan niligawan ulit ni Murdock ang kanyang asawa, na napalitan na ang mga alaala.


Noir ang genreng pinaglalaruan ng visuals ng pelikula, laging gabi, may puta, may femme fatale na kumakanta sa bar, may pulis ng magaspang pero may prinsipyo, may man on the run, pero ang ending nito'y mistulang horror. Pinalitan ang mga maladiyos na alien ng isang maladiyos na tao, wala pa rin namang kalayaan ang asawa n'ya, ang pulis na tumulong sa kanya, ang lalakeng hindi pala n'ya tiyuhin, ang mayroon lang sila ay araw at karagatan. Ayon sa ilang erehe, ang sansinukob ay nilikha ng ulyaning diyos, o batang diyos, at iyon ang nagpapaliwanag ng pagiging fucked up nito.


May dalawang panahon sa Dark City. Ang panahon ng mga tao, na kumikilos ayon sa kanilang mga alaala, at panahon ng mga alien, na mas malaki kumbaga ang monitor at nakikita ang mas malaking bahagi ng footage. Mallable ang identidad dahil nakabatay ito sa alaala, pero may ankla ito basta may nanonood na mas maraming alam. Ang wala talaga ay kamalayan-sa-sarili. Elepante ang meron hanggang sa dulo.


PS: Kamukha ni Murdock si Jean Claude van Damme, at ang isang alien akala ko talaga si Armin Shimmerman ang gumanap. Hindi pala.