Saturday, April 16, 2011

Being Human, Season 1

Being_human_season_1

Ang Being Human ay kwento ng tatlong magkakaibigan: si Aiden na bampira, si Josh na taong lobo at si Sally na multo. Bagaman may kaunting pagkakahawig sa inspirasyon nitong Being Human ng UK, sa may gitna ng 13 episodes nitong season 1 ay tumahak na ito ng sariling landas.
Sa pangkalahatan, mas maganda talaga tingnan ang mga artista ng US sa UK. Tanging si Mitchell na bampira lang ng UK ang medyo pumapantay sa counterpart. Ang kaso nga lang mukhang serial rapist/killer si Mitchell, so panalo pa rin si Aiden. Kahit sa kaso ng kontrabida, Herrik sa UK, Bishop sa US, mas visually appealing ang huli. Ang mga artista ng Hollywood ang tunay na bampira: dekadente, kasamba-samba, makapangyarihan, lampas sa masama at mabuti.
Sa pangkalahatan, mas nakakatawa ang UK kaysa sa US. Siguro dahil mas sineseryoso ng bersyon ng US ang sarili nito. Minsan epektibo: iyong episode kung saan pinatay ni Aiden ang batang bampira (literal na bata, mga 10 taong gulang na tao palang ito), sa pilot kung saan pinili ni Aiden na wag gawing bampira/iligtas ang buhay ng date n'ya, sa episode kung saan iniwan ni Josh ang kanyang pamilya para protektahan mula sa kasamaan ng mga supernatural.

Emoblackmail at ideolohikal na mistifikasyon ito ng popular na kultura. Sinabi ng palabas: kaming mga bampira at multo, na hindi tinatablan ng bala, hindi tumatanda, maaaring gawin kung ano ang nais, kami ang kawawa. Kayong mga tao, mga ordinaryong tao na kailangang magbayad ng buwis at magtrabaho araw-araw, kayo ang maswerte. Kainggit-inggit di-umano ang gitnang-uring pag-iral, dapat hindi lang makuntento kundi ipagdiwang ang routine, ang pagkabagot, ang walang dugong buhay na ito, dahil ito ang esensya ng pagiging tao.

Ang "ama" ni Aiden na si Bishop ang kontrabida nitong unang season. Ang plano n'ya'y ilahad sa mundo ang pag-iral ng mga bampira, at maging amo sa mga tao. Kontra dito si Aiden, syempre, ang gusto n'ya'y umiwas na sa buhay bampira, talikuran ang pag-inom ng dugo ng tao. Narito muli ang pulitika ng palabas: ayos na ang pa-rhizome-rhizome na paghindi, ang dapat iwasa'y ang mga malaking pagbabago. Hayaan na ang status quo at unahin ang paglikha sa sarili.